Signal no. 4 sa Batanes

MANILA, Philippines -  Sa kauna-unahang pagkakataon ngayong taon ay nakapagtala ang Pagasa ng signal number 4 sa Batanes Group of Islands dulot ng bagyong Odette na lalu pang lumakas bagamat hindi ito tatama sa kalupaan ng Luzon.

Alas-11 ng umaga kahapon, ang sentro ni Odette ay namataan sa layong 350 kilometro silangan hilagang silangan ng Aparri, Cagayan taglay ang lakas ng hangin na aabot sa 205 kilometro bawat oras malapit sa gitna at may pagbugso ng hangin na aabot sa 240 km bawat oras.

Signal no. 3 sa Calayan at Babuyan Group of Islands, signal no. 2 sa Cagayan, Apayao at Ilocos Norte. Signal No. 1 sa Abra, Kalinga, Isabela, Northern Aurora, Quirino, Nueva Vizcaya, Benguet, La Union, Ilocos Sur, Mt. Province at Ifugao.

Si Odette ay kumikilos sa bilis na 19 km bawat oras papunta sa hilagang kanluran.

Hindi na inaasahan na tatama ang kanyang sentro sa kalupaan ng Northern Luzon, pero sapol nito ang mga maliliit na isla sa Batanes Group of Islands.

Ngayong Sabado si Odette ay nasa layong 50 km silangan ng Basco, Batanes at sa Linggo ng umaga ay inaasahan na nasa labas na ito ng bansa.

 

Show comments