Inilunsad sa Zambo Air strikes vs MNLF
MANILA, Philippines - Naglunsad na kahapon ng air strike operation ang mga combat plane ng Philippine Air Force (PAF) upang malipol na ang nalalabi pang grupo ng Moro National Liberation Front (MNLF) sa kanilang defensive position sa ‘battle zone ‘ sa ilang apektadong lugar sa Zamboanga City.
Sa ulat, dalawang MG520 attack helicopter ang ginamit sa pambobomba ng tatlong rounds ng rockets pasado alas-12:00 ng tanghali sa posisyon ng mga nagsisipagtagong rebelde sa Sitio Lustre sa Brgy. Sta Barbara. Ito ang kaunaunahang gumamit ng air strike operation ang AFP sa ikawalong araw ng stand off.
Sa press briefing sa Camp Aguinaldo, sinabi ni AFP Spokesman Brig. Gen. Domingo Tutaan na ‘closed air support’ lamang upang mapalabas sa kanilang pinagÂlulunggaan ng rouge MNLF ang isinasagawa ng PAF sa lugar bilang tulong sa ground forces ng Philippine Army at ng pulisya.
Gayunman, kinumpirma ng isang military officer sa Zamboanga na ayaw pa ring magsisuko ng MNLF Misuari faction kaya dapat na ang mga itong gamitan ng kamay na bakal sa pamamagitan ng air strike operation.
Sa kasalukuyan, patuloy naman ang assessment kung ilan pa ang karagdagang rouge MNLF ang napaslang at nasugatan sa air strike operation sa lugar.
Sinabi ni Tutaan, simula noong Setyembre 9 hanggang sa inisyal na tala nitong Lunes ay 61 na ang nasawi kabilang ang tatlong pulis, tatlong sundalo, limang sibilyan at 51 rogue MNLF forces habang nasa 112 naman ang nasugatan.
Inihayag naman ni DILG Sec. Mar Roxas na matapos ang tatlo hanggang apat na araw na mapalibutan ng security forces ang MNLF ay patuloy ang bakbakan sa pagitan ng magkabilang puwersa.
Samantala, pitong miyembro ng Moro National Liberation Front (MNLF) fighters, lima rito ang nakasuot pa ng uniporme ng pulis habang ang dalawa naman ay may anting-anting at rosaryo ang nasakote sa magkakahiwalay na operasyon kahapon sa Zamboanga City.
- Latest