MANILA, Philippines - Naniniwala si Immigration Commissioner Siegfrid Mison na nasa bansa pa rin si Janet Lim-NapoÂles, ang itinuturong utak sa P10 bilyong pork barrel scam.
Ayon kay Mison, hindi naman agad-agad na aalis ng bansa si Napoles dahil alam nitong naka-alerto sa kanya ang mga sangay ng pamahalaan na nais na madakip siya kabilang ang National Bureau of Investigation at BI.
Ayon kay Mison, nakaalerto na ang lahat ng kanilang tauhan sa airport maging sa mga backdoor tulad ng Balot Island sa General Santos City kung saan patungong Indonesia at Bongao Island sa Tawi-Tawi na patawid naman ng Malaysia.
Dagdag pa ni Mison, doble alerto sila lalo na’t may report sa kanila na wala na sa Manila Yatch Club ang tatlong yate na pagmamay-ari umano ni Napoles.
Maaari din aniyang gamitin ni Napoles ang mga nasabing yate upang makalabas ng bansa sa pamamagitan ng mga nasabing isla.
Hindi rin isinasantabi ni Mison ang posibilidad na magpabago ng passport si Napoles tulad na rin ng ginawa ni Palawan Gov. Joel Reyes na nakalabas ng bansa matapos na maglabas ang korte ng arrest warrant bunsod naman ng pagpaslang sa environmentalist na si Dr. Gerry Ortega.
Aniya, sa resources ni Napoles, maaari nitong gawin ang lahat ng paraan upang makaiwas sa batas.
Subalit kung E-passport na ang gamit nito, imposible itong makalabas ng bansa kahit na sumailalim pa sa retoke ang kanyang mukha dahil gamit dito ang finger prints.
Posibleng nakapagpabago ng passport si Reyes dahil hindi pa E-passport ang gamit nito.