MANILA, Philippines - Iniutos ni Pangulong Aquino ang pagsasampa ng kaso laban sa mga establishments na nakaharang sa waterways.
Sinabi ng Pangulo sa pagbisita nito kahapon sa biktima ng bagyong Maring sa Mandaluyong City na kamakalawa ng gabi ay inabiso na niya ito kay Justice Sec. Leila de Lima.
Unang ihahain ang civil bago ang criminal cases sa mga kompanÂyang may-ari ng mga nasabing istruktura.
Aniya, pursigido ang gobyerno na maalis ang mga illegal structures, kasabay ng relokasyon sa mga nakatira sa mga waterways.
Inihayag naman ng Pangulo na bagama’t nakakalungkot na may 16 namatay sa bagyong Maring, maganda na rin daw ang balitang walang komunidad ang na-isolate o hindi maabot ng mga rescuers.
Naunang namahagi ng relief goods ang Pangulo sa Laguna na matinding hinagupit din ng pagbaha sanhi ng bagyong Maring at habagat.
Unang pinuntahan ng Pangulo ang evacuation center sa Dela Paz Elementary School sa Biñan, Laguna kung saan lumikas ang 328 pamilya (1,334 katao).
Sunod na pinuntahan ng Pangulo ang San Pedro, Laguna para mamahagi rin ng relief goods at food packs.