MANILA, Philippines - Nagbakasyon umano sa China si Supt. Ramon Balauag, ang opisyal na kabilang sa mga sangkot sa Atimonan murder case na tinutugis ng mga tracking team ng Philippine National Police matapos itong mag-AWOL (Absence Without Official Leave).
Nakikipag-ugnayan na ang PNP sa Bureau of Immigration para magsagawa ng beripikasyon sa napaulat na pagtungo sa China ni Balauag noon pang Hunyo 16 at nagbalik lamang sa bansa nitong Hulyo 27 o mahigit isang buwang bakasyon.
Nabatid na lumabas sa rekord ng Immigration na may isang Supt. Ramon Lazo Balauag ang sumakay sa China Airlines Flight Oz 702 noong Hunyo 16 at bumalik sa bansa sakay naman umano ng Philippine Airlines.
Sinabi ni PNP-Public Information Office Chief Sr. Supt. Reuben Theodore Sindac, patuloy ang manhunt operations kay Balauag hanggang hindi ito nagrereport at lumulutang sa kaniyang unit sa Headquarters Support Service ng PNP.
Si Balauag, dating Intelligence Chief ng Quezon Police Provincial Office (PPO) ay kabilang sa mahigit 20 opisyal at tauhan ng PNP na sangkot sa rubout umano ng 13 hinihinalang miyembro ng gun for hire at gambling syndicates na pinamumunuan ni Vic Siman sa Atimonan, Quezon noong Enero 6.
Kabilang rin sa nasibak si dating Calabarzon Police Director P/Chief Supt. James Melad dahilan sa command responsibility.