MANILA, Philippines - Aabot sa P4.7 bilyon ang gagastusin ng gobyerno sa susunod na taon para lamang sa pagbabayad ng renta ng ilang opisina at tanggapan ng pamahalaan.
Ayon kay Sen. Francis “Chiz†Escudero, mas makakabuting maglaan na lamang ng pondo para sa pagpapatayo ng sariling gusali ang mga tanggapan at opisina na umuupa kung saan mas makakatipid ang pamahalaan.
Naniniwala si Escudero na pag-aaksaya ng pera ang ibinabayad taun-taon para sa renta.
Maituturing umanong long term investments ang pagkakaroon ng sariling building para sa mga ahensiyang nangungupahan lamang.
Marami na aniyang puwedeng paggamitan ng P4.7 bilyon katulad ng pagpapatayo ng eskuwelahan at mga ospital.
Sinabi ni Escudero na sa susunod na tatlong taon dapat ay maitayo na ang mga tanggapan at opisina ng mga departamento na nangungupahan sa ngayon.
Sa 2014 panukalang budget, kabilang sa mga maglalaan ng pondo para sa upa ang mga sumusunod: DFA-Office of the Secretary, P742.9 milyon; BIR, P531.5 milyon; DILG-PNP, P279.4 milyon; DTI-Office of the Secretary, P270.4 milyon at Supreme Court of the Philippines at Lower Courts, P212.8 milyon.
Maging ang Senado ay kabilang sa mga tanggapan ng gobyerno na umuupa sa GSIS building na aabot sa P171 milyon sa 2014.