Stem cell ‘di sakop ng PCSO

MANILA, Philippines - Hindi umano sakop ng medical assistance ng Philippine Cha­rity Sweepstakes Office (PCSO) ang stem cell therapy.

Ito ang nilinaw kahapon sa budget hearing ni PCSO General Manager Ferdinand Rojas kung saan wala umanong stem cell the­rapy sa menu ng medical procedures na binibig­yan nila ng pondo.

Giit ni Rojas, hindi pa naman kasi aprubado ng Department of Health (DOH) ang stem cell therapy dahil ang procedure na ito ay nababalot pa rin ng kontrobersiya hanggang ngayon.

Subalit karamihan naman ng medical procedures na aprubado ng DOH ay sakop ng kanilang medical assistance at nabibigyan ng charity funds tulad ng dialysis.

Samantala, magtatayo naman ang gob­yerno ng isang ahensiya na magbibigay ng accreditation at lisensya sa pagpa-practice ng stem cell sa bansa sa sandaling maisabatas ang House Bill 212 ni La Union Cong. Eufranio Eriguel.

Layunin ng panukala na protektahan ang publiko at palawakin ang research sa stem cell sa bansa para sa kapakinabangan ng mas nakakarami.

Para sa maayos na regulation, itatatag ang bioethics advisory board na bubuo ng ethical standards sa stem cell therapy practice.

 

Show comments