10 yrs. sa sibilyan na magsusuot ng pulis, military uniform
MANILA, Philippines - Nahaharap sa sampung taong pagkakakulong ang isang indibidwal na magsusuot ng uniporme ng pulis at sundalo ng hindi otorisado.
Ito ay sa sandaling mapagtibay ang House Bill 368 na inihain ni Cebu Cong. Raul del Mar na naglalayong gawing krimen ang pagsusuot ng mga sibilyan ng police at military uniforms.
Sa ilalim ng panukala, bukod sa 10 taong pagkakakulong ay may P20,000 multa sa mga hindi otorisado o sibilyan na magsusuot ng ganitong uniporme.
Samantala limang taong kulong at P10,000 multa naman ang haharaping parusa ng sinumang magbebenta ng police at military uniforms ng hindi otorisado.
Paliwanag ng mambabatas, ang indiscriminate na pagsusuot ng mga sibiliyan ng uniporme ng mga pulis at sundalo ay nakakasira sa hanay ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na nagagamit sa paggawa ng krimen.
Sa kasalukuyan ay wala pang batas na nagbabawal sa paggamit ng mga sibilyan ng ganitong uniporme.
Bagamat umiiral ang Republic Act 493, nire-regulate lamang nito ang paggamit, pag-manufacture at pagbebenta ng insignia, decorations, medal at badges na para sa mga pulis at sundalo.
- Latest