MANILA, Philippines - Isinugod sa pagamutan si Ilocos Norte Rep. Imelda Marcos matapos itong madapa sa labas ng session hall sa Kamara kahapon.
Pasado ala-1:00 ng hapon ng bigla na lamang mapaluhod si Marcos habang naglalakad ito sa North lobby ng Batasan complex. Kagagaling lamang ng mambabatas sa session bago maganap ang insidente.
Nabatid na masama na ang pakiramdam at nahihilo na si Marcos habang nasa loob ito ng session hall. Tila nabigla naman ang security ni Marcos at hindi kaagad natulungan ang mambabatas matapos itong madapa.
Kaagad isinugod ng ambulansya sa Philippine Heart Center si Marcos kasama si Dr. Richard Dizon, chief ng Medical service ng Kamara.
Habang isinusulat ang balitang ito ay hindi pa mabatid kung ano ang tunay na karamdaman ng mambabatas.