MANILA, Philippines - Mismong si Pangulong Aquino ang humikayat kahapon sa kanyang mga kapwa Atenista na lumabas sa kanilang ‘espasyo’ at tumulong sa ibang naÂngangailangan.
Dumalo si Aquino sa Ignatian Festival 2013 sa Ateneo de Manila University sa Quezon City kung saan ginawa nitong halimbawa sa kanyang talumpati si St. Ignatius de Loyola na hindi naging maramot na ibahagi ang sarili sa kapwa.
“Bilang mga Atenista, ito nga po ang isa sa mga pinakamahalagang aral sa atin ni San Ignacio: Lumabas ka sa nakasanayan mong espasyo; piliin mong makiÂpagkapwa-tao. Kailanman, huwag kang matakot na bagtasin ang masalimuot na daan ng katuwiran, at umiwas sa madaling landas ng kamalian,†sabi ni Aquino.
Sinabi pa ni Aquino na ang pagtugon sa problema ay hindi madadaan sa marketing study o sa reflection paper, sa pag-status sa Facebook, o sa basta-bastang pag-retweet lang.
“Obligasyon mong makiambag sa solusyon; tungkulin mong itama ang mali. At di po ba, kung di ka kumilos, magiging bahagi ka na rin ng problema?,†anang PaÂngulo.
Hinikayat din ni PNoy ang mga Atenista na isaÂbuhay ang mga aral na natutunan nila sa kanilang paaralan.
“Huwag ninyo sanang ikukulong sa mga gusali’t pasilyo ng paaralang ito ang diwa ng inyong pagka-Atenista. Saanmang silid kayo nag-aaral o nagtuturo, saanmang opisina kayo nagtatrabaho, saanmang ahensiya kayo nagseserbisyo—isabuhay ninyo ang diwa ng inyong pagka-Atenista; maÂging man-for-others kayo, na hindi lamang nabubuhay para sa sarili, kundi lalo’t para sa kapwa,†ani PNoy.
Kasabay nito nagpaÂsalamat din ang Pangulo sa kanyang naging guro sa dating paaralan.