Calabarzon Police babalasahin

MANILA, Philippines - Nakaambang balasa­hin ng liderato ng Phi­lippine National Police (PNP) ang buong pu­wersa ng pulisya sa Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon) kaugnay ng serye ng mga high profile na kaso na nangyayari sa hurisdiksyon ng natu­rang rehiyon.

Ayon kay PNP Chief Director General Alan Pu­risima, seryoso na rin nilang ikinokonsidera ang re-training sa lahat ng mga pulis sa gitna na rin ng tila nakakaalarmang ka­ugalian ng mga pulis na nakatalaga sa Calabarzon.

Ang balasahan ay bunsod ng pagkakasangkot ng special forces unit ng mga pulis dito sa tatlong high profile na kaso sa Batangas, Quezon at Laguna.

“Actually kasama yan sa pinag-aaralan ng Internal Affairs Service kung bakit, ganun na ba yung kultura ng pulis sa Calabarzon, so ibig sabihin titingnan natin ‘yun at aaksyunan natin yan,” ani Purisima.

Kabilang sa mga high profile na kaso na kinasangkutan ng Calabarzon ay ang panununog sa isang elementary school sa Taisan, Batangas na ikinasawi ng dala­ wang guro na umano’y pulis ang suspek noong 2007 national elections; shootout sa Atimonan, Quezon na ikinasawi ng umano’y 13 miyembro ng gun for hire noong Enero 6 ng taong ito at ang pagkamatay ng da­lawang lider ng Ozamis robbery gang na sina Ricky Cadavero alyas Kambal at Wilfredo Panogalinga alyas Kulot matapos na umano’y tam­bangan ng mga mi­yembro ng sindikato ang convoy ng mga police escorts sa San Pedro, Laguna noong Hulyo 15 ng gabi sa bigong tangka na iligtas ang mga ito.

Pinaiimbestigahan na rin ni Purisima ang ulat na may nakuhang bulto ng shabu at malaking ha­laga ng pera ang mga awtoridad na umaresto kina Kambal at Kulot sa raid sa Dasmariñas City, Cavite noong Biyernes, Hulyo 12.

Idinagdag pa nito na wala siyang nakuhang ‘after operation report’ na may kasamang shabu at malaking halaga ng pera ang mga awtoridad na nagsagawa ng raid at kung may katotohanan ito ay dapat magpaliwanag ang mga awtoridad.

Show comments