MANILA, Philippines - Sinuspinde ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang deployment o pagpapadala ng mga bagong Overseas Filipino Workers (OFWs) sa bansang Egypt.
Ang pagsuspinde sa pagproseso at deployment ng mga newly-hired OFWs patungo sa Egypt ay nakasaad sa inisyung resolusyon ng POEA Governing Board.
Batay sa Governing Board Resolution No. 06, na inaprubahan nitong Hulyo 12, 2013, hindi muna papayagan ang pagpapadala ng mga bagong migrant workers sa Egypt para na rin sa kapakanan ng mga ito, lalo na’t ang Alert Level sa naturang bansa ay itinaas na sa Alert Level 2 noong Hulyo 8.
Paliwanag ng POEA, sa ilalim ng Alert Level 2, tanging ang processing at deployment lamang ng mga returning OFWs na may existing employment contracts na ang pinapayagang makapunta sa Egypt.
Pirmado sa resolusyon sina Labor Secretary Rosalinda Baldoz, na siyang chairperson ng POEA Governing Board at ni POEA administrator Hans Leo Cacdac, na siya namang tumatayong vice-chairman.