Phl Consulate sinisi sa pagkasawi ng 1-anyos
MANILA, Philippines - Sinisisi ng grupong Migrante ang mga opisyal ng Philippine Consulate sa Jeddah sa pagkasawi ng 1-anyos dahil sa umano’y kapabayaan.
Ayon kay John Leonard Monterona, regional coordinator ng Migrante Middle East at North Africa, ang sanggol ay ikatlo na sa mga Pinoy na nasawi mula sa tinaguriang “Tent City†sa Phl Consulate sa Jeddah matapos na humingi ng tulong para sa temporary shelter.
Sa kanilang impormasyon, umalis umano ang bata at kanyang ina sa shelter matapos na hindi mabigyan ng kaukulang tulong medikal.
Unang nasawi ang OFW na si Eliseo Araneta, tubong Calamba, Laguna noong Abril 18 dahil sa kumplikasyon ng renal failure at sumunod ang isa pang stranded OFW na si Danilo Grefadilyo, 60, tubong Sorsogon na namatay sa kumplikasyon sa ulcer.
Ang dalawa ay kapwa umano humingi ng tulong sa Konsulado upang makauwi sa Pilipinas. Nanatili pa umano ang mga ito ng ilang araw sa shelter pero nang makitang hindi sila nabibigyan ng tamang atensyong medikal at pangangalaga ay napilitang umalis doon.
Sa kabila nito, nilinaw ni Foreign Affairs Spokesman Raul Hernandez na namatay ang 1-anyos bata sa ospital at hindi sa loob ng shelter. Isinugod daw ang bata ng Phl Consulate personnel sa ospital matapos mahirapang huminga at idineklarang patay dahil sa cardiac arrest.
- Latest