MANILA, Philippines - Malaki ang tiwala ng mga Catholic bishops sa kakayahan ni Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas para pamunuan ang maimpluwensiyang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP).
Naniniwala si LingaÂyen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz, dati ring naging pangulo ng CBCP, na bagamat si Villegas ay kilalang malapit kay dating Pangulong Corazon Aquino, na ina ni Pangulong Benigno Simeon Aquino III, ay hindi ito basta-basta tatahimik na lamang sa mga isyu o hakbangin ng administrasyon o ng sinuman na labag sa paniniwala ng simbahan.
Ayon kay Cruz, si Villegas ay isang matalino at matapang na tao at handang tuparin ang kanyang pastoral duties sa simbaÂhan at sa mga mamamayan.
Inihalimbawa pa ng arsobispo ang pahayag ni Villegas laban sa kontroÂbersiyal na Reproductive Health (RH) Law na ikinagalit umano ng Palasyo.
Sa naturang pahayag ay mariing binatikos ni Villegas ang pamahalaan dahil sa paggamit ng pera ng mga mamamayan para ipambili ng mga contraceptives.
Ani Cruz, nangangahulugan lamang ito na magsasalita si Villegas kung kinakailangan at ihahayag ang saloobin alinsunod sa turo ng simbahan.
Iginiit ni Cruz na kilaÂlang-kilala niya si Villegas dahil magkasama aniya sila nang maitalaga ito bilang kalihim ni Cardinal Sin.