MANILA, Philippines - Minaliit lamang ng militanteng transport group na Pinagisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) ang anila’y barya-barya lamang na pagbaba sa presyo ng produktong petrolyo na 45 sentimo sa diesel at 55 sentimo naman sa gasolina.
Ayon kay Piston National President George San Mateo, hindi sila kuntento sa rollback dahil sobrang liit nito kung ikukumpara sa pitong beses na oil price hike mula Mayo 14 na umaabot na sa P3.85 ang pagtaas sa gasolina at sa diesel ay P4.00.
Sinabi ni San Mateo na mistulang papogi lamang ito sa nalalapit na State of the Nation Address ni Pangulong Noynoy Aquino at makaraan ang SONA ay aarya na naman ang oil price hike.
Dahil dito, sinabi ni San Mateo na patuloy silang magsasagawa ng lingguhang kilos-protesta at lalahok sa malaking protesta ng taumbayan bago at sa mismong araw ng SONA.
Matagal nang iginigiit ni San Mateo sa pamahalaan ang pagpapatigil sa oil price manipulation at overpriÂcing, pagbasura sa Oil Deregulation Law, pagbalik ng Petron sa pampublikong pag-aari, pagsasabansa sa industriya ng langis, pagtanggal sa nakapatong na 12% VAT sa petrolyo upang mabigyan ng kahit kaunting kaluwagan ang umano’y hirap na nararanasan ng mga drayber at mamamayan.