Big solar power plant itatayo

MANILA, Philippines - Uumpisahan na sa susunod na buwan ng Setyembre ang konstruksyon ng sinasabing pinakamalaking “solar power plant” sa bansa na inaasahang mag-uumpisa ang operasyon sa Enero 2014.

Nabatid na itatayo ang planta sa 20-ektaryang lupain sa bayan ng Surallah sa South Cotabato at gagastos ng P1-bilyon na inaasahang magiging solusyon sa krisis sa enerhiya sa Mindanao.

Lilikha ng enerhiya ang naturang planta para sa South Cotabato I Electric Cooperative, Inc. (SOCOTECO I) na siyang magbebenta nito sa kanilang mga kliyente sa rehiyon. 

Nabatid na napirmahan na ang “supply contract” nitong nakaraang Miyerkules sa pagitan ng SOCOTECO I at NV Philippine Solar Energy One, Inc. na siyang mamamahala sa solar plant.

Kaya umanong lumikha ng 5MW na kuryente kada araw ng planta at malalagpasan ang 1MW na nalilikha ng isa pang solar plant sa Cagayan de Oro City.

Ayon kay Santiago Tudio, general manager ng Socoteco I, magtatapos na ang kanilang kontrata sa National Power Corporation (Napocor) ngayong Agosto at naghahanap sila ng supplier ng enerhiya para mapunan ang 20 MW nilang alokasyon.

Show comments