MANILA, Philippines - Niyanig ng magnitude 5.7 na lindol ang ilang bahagi ng Mindanao nitong Sabado ng gabi, kung saan walong bata ang nasugatan.
Sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), naitala ang nasabing pagyanig ganap na alas-10:10 kamakalawa ng gabi.
Natukoy ang epicenter nito sa 10 kilometro sa hilagang silangan ng Carmen, North Cotabato. May lalim itong limang kilometro mula sa sentro ng pagyanig.
Naitala ang intensity 5 sa Carmen, North Cotabato; intensity 4 sa Roxas, North Cotabato; Tacurong city, Midsayap, North Cotabato.
Intensity 3 naman sa Misamis City; Cotabato City; Tampakan, S. Cotabato; Makilala, North Cotabato; Magpet, North Cotabato; Valencia City; Marawi City.
Intensity 2 sa Mlang, North Cotabato; Talunan, North Cotabato; Camiguin; Gen. Santos City; Malaybalay, Bukidnon; Misamis, Oriental; Padada, Davao del Sur; at Intensity 1 sa Dipolog City.
Tectonic umano ang pinagmulan ng pagyanig.
Samantala, ang waÂlong bata na nasugatan ay ginagamot ngayon sa isang ospital sa Cabacan, Cotabato kasunod ang nasabing pagyanig.
Ayon kay Cotabato action officer Cynthia Ortega, limang bata mula sa Barangay Kimadzil habang tatlong bata mula sa Barangay Kibudtungan ang nasugatan dahil sa mga nagbagsakang bahagi ng kanilang mga bahay.
Problema ngayon ng pamunuan ng Kimadzil Elementary School ang pagbabalik-eskwela ng mga bata ngayong Lunes dahil apat sa pitong school building nila ang idineklara na totally damaged.
Bagamat hindi bumagsak nang tuluyan, hindi na maaaring gamitin dahil sa malalaking bitak na nakita.
Kasunod nito, nagtala ng pito pang pagyanig sa Carmen na ang pinakamataas na magnitude ay umabot sa 4.3 pasado alas-11 ng umaga kahapon.