Trabaho at negosyo sa Taguig dadami dahil sa SM

MANILA, Philippines - Maraming residente ng Taguig ang inaasahang magkakaroon ng trabaho at maraming negosyo ang mabubuksan sa pagkakatayo ng SM Aura Premier sa lunsod na ito. 

Inaasahan ding kikita ang pamahalaang lokal ng Taguig sa makukuha nitong buwis sa pagpasok ng SM sa Bonifacio Global City sa kanilang lugar.

Nauna rito, makaraang maisalin sa pangalan at pagmamay-ari ng pamahalaang lokal ng Taguig ang may 40 ektaryang lupain na nakuha mula sa Bases Conversion Development Authority noong 2008, ibinenta ito sa pamamagitan ng bidding at napunta ang ilang ektarya nito sa SM Aura Premier.

Pero ang naturang hakbang ay patuloy na tinututulan ng BCDA. Ayon kay BCDA President Arnel Casanova, ang pagpapatayo ng SM mall ay hindi regulasyon ng BCDA. Ang lupang kinatayuan ng SM ay bahagi umano ng 40 ektaryang lupain na dapat ay eksklusibong nakalaan para sa isang civic center ayon na rin sa Section 8 ng R.A. 7227 (Bases Development Conversion Act).

Pinabulaanan naman ito ng pamahalaang-lokal ng Taguig na nangatwirang, sa deed of conveyance, pumayag ang BCDA na huwag higpitan ang paggamit o zoning sa lupain. Simula noon, itinuring na ang Ta­guig City ang totoong may-ari ng lupa.

Ang titulong inilipat ng Taguig City sa SM ay malinis at walang encumbrances o hindi nakatali sa design standards and guidelines ng BCDA.

Hawak ang lease, itinuloy ng SM ang pagpapatayo ng gusali ayon sa kasunduan sa Taguig City. Ito ang SM Aura Premier.

Nauna rito, tinangkang pigilin ng kampo ni Casanova ang pagpapagawa ng Mckinley Parkway na magsisilbing daan patungo sa SM Aura at makakapagpaluwag sa daloy ng trapiko. Pero nakakuha ng restraining order mula sa korte ang Taguig kaya natuloy ang pagpapagawa sa kalsada.

Show comments