Taiwan President pinakakalma ang kanyang mamamayan

MANILA, Philippines - Pinakakalma ni Taiwanese President Ma Ying-jeou ang kanyang mamamayan na huminahon at huwag idamay ang may 85,000 Overseas Filipino Workers (OFWs) sa kanilang galit sa Pilipinas dahil sa pagkakapatay ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) ng kanilang kababayang mangingisda sa Balintang Channel na sakop ng Batanes noong Mayo 9.

Inatasan na ni Ma ang mga concerned government agencies ng Taiwan na mabigyan ng proteksyon ang mga Pinoy dahil sa mga ulat ng pagha-harass, diskriminasyon at pagmamalupit sa mga OFWs ng mga nagpupuyos sa galit na Taiwanese.

Ito ay matapos na magkaroon na ng positibong pag-uusap ang pamahalaan sa pamamagitan ng Manila Economic and Culture Office at Taiwan government upang resolbahin ang tensyon sa pagitan ng nasabing dalawang bansa.

Sa kabila ng pahayag ni Justice Secretary Leila de Lima na hindi nila papayagan ang joint investigation sa pagkasawi ng Taiwanese fisherman, muling nanawagan si Ma sa pamahalaan na magkaroon ng joint investigation sa insidente.

Nabatid na ang mga sangkot sa pamamaril na mi­yembro ng Philippine Coast Guard at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources ay na-relieved na umano sa tungkulin at handang humarap sa anumang pagsisiyasat ng pamahalaan.

Kinumpirma naman kahapon ni MECO chairman Amadeo Perez na tatlong Pinoy na sa kabuuan ang mga nasaktan sa mga pag-atake ng mga Taiwanese.

Sinabi ni Perez sa isang panayam sa radyo na kasalukuyan pa nilang beni-beripka ang  ulat na may dalawang OFW ang nasawi sa pag-atake ng mga Taiwanese.

 

Show comments