Vote buying minomonitor na ng Comelec

MANILA, Philippines - Minomonitor na ngayon ng Comission on Elections (Comelec) ang mga kandidatong posibleng masangkot sa pamimili ng boto o vote buying kasabay ng maikling panahon na lamang ng pangangampanya para sa halalan sa Mayo 13.

Partikular na inatasan ni Comelec Chairman Sixto Brillantes ang mga regional director ng komisyon na higpitan ang pagtugaygay lalo na sa pamimigay ng “goods” ng mga kandidato dahil maaaring ikonsidera ito ng Comelec na uri ng vote-buying.

Sabi ni Brillantes may nakalap na impormasyon si Commissioner Grace Padaca na ilang kandidato ang namimigay ng mga bigas, goods, grocery items at nangangakong magbibigay ng trabaho, scholarships at maging insurance sa mga nasasakupan.

Hindi tinukoy ni Padaca ang lugar kung saan nagaganap ang pamumudmod ng grocery items ngunit kahit saan aniya ay nagaganap ang naturang uri ng panunuhol sa mga botante.

Ipinaliwanag ni Brillantes na hindi na nila ipinagbabawal ang mga election gimmick gaya ng pamimigay ng mga t-shirts, lighters, face towels, payong at iba pa.

Ang babantayan lamang aniya nila ay ang pamimigay ng mga bagay na masyadong mahal o may presyo at halaga.

Ilang pamamaraan pa ng pamimili ng boto ay pamimigay ng cash sa mga botante bago sila magtu­ngo sa mga presinto upang bumoto.

Salig sa Omnibus Election Code, ang vote buying at vote selling ay may katapat na pagkabilanggong hanggang anim na taon at hindi maaaring isailalim sa probation.

Maaari ring madiskuwalipika sa paghawak ng anumang public office ang taong mapapatuna­yang guilty sa pamimili ng boto at pagkakaitan pa ng karapatang makaboto.

Show comments