MANILA, Philippines - Tahasang sinabi ng Deparment of Labor and Employment (DOLE) na walang aasahang wage increase ang mga manggagawa sa National Capital Region (NCR) ngayong Mayo 1, 2013.
Ayon kay Labor and Employment Secretary Rosalinda D. Baldoz hindi pa maaaring magpalabas ng panibagong wage order ang kagawaran dahil wala pang isang taon mula nang magpatupad ng umento sa sahod.
Sinabi ni Baldoz na sa June 2013 pa mag-iisang taon ang pinakahuling wage order sa NCR kaya anumang pagtataas ay itinuturing na labag sa batas.
Nabatid naman kay Atty. Allan Macaraya ng National Wages and Productivity Board na mayroon ng resolusyon ang board kaugnay sa hinihinging P85 taas sa sahod ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP).
Gayunman, tumanggi si Macaraya na idetalye ang nilalaman ng resolusyon na aniya ay isasapubliko ng board, isang araw makalipas ang Labor Day.
Nangangamba ang opisyal na magdulot umano ito ng hindi magandang reaksiyon mula sa mga stakeholder.