12 Chinese poachers mananagot - PNoy

MANILA, Philippines - Siniguro kahapon ni Pangulong Aquino na mananagot ang 12 mangi­ngisdang Tsino na pumasok sa karagatan ng Pilipinas kung saan ang sinasak­yang barko ay sumadsad sa Tubbataha Reef.

“Sa ilalim ng Republic Act 10067, ‘pag pumasok ka within sa zone, may presumption na agad na poaching ang pakay mo; may kaukulang mga penalties—may imprisonment, may fine—and our job as the executive department is to execute this law,” paliwanag ni PNoy.

Giit pa ni Aquino, may panukala na palawakin ang buffer zone sa Tubbataha reef upang pagbawalan ang sinumang vessel na Dumaan dito upang hind na maulit ang nangyari ng pagsadsad ng USS Guardian.

Ayon kay Lt. Comman­der Armand Balilo, spokesman ng Philippine Coast Guard (PCG), nahirapan silang kunan ng pahayag ang mga mangingisdang Tsino kaya kumuha na sila ng interpreter dahil hindi nila malaman kung sino ang kapitan ng barko na dapat magbigay ng paliwanag.

Hawak na ng PCG ang mga Tsinong mangingisda na isinakay nila sa BRP Romblon patungong Puerto Princesa, Palawan.

Inaalam din ng Coast guard kung ilan pang fishing boat ang kasama ng mga ito, paano sila napadpad sa lugar at kung ano ang tunay na motibo ng mga ito ng pasukin ang Tubbataha Reef.

Show comments