Scientist na Pinoy susuriin ang pinsala sa Tubbataha Reef
MANILA, Philippines - Tumulak na kamakalawa ng gabi patungong Tubbataha Reef, sa Palawan ang grupo na binubuo ng mga Pilipinong marine biologist, engineer at researcher para sa isasagawang ecological assessment sa pinsalang iniwan ng US Minesweeper sa Tubbataha Reef.
Ayon kay Tubbataha Park Superintendent Angelique Songco, ngayong araw (Martes) sisimulan ang pagsisid sa gagawing follow-up assessment upang pag-aralan ang mga ilalatag na istratehiya para sa rehabilitasyon ng nasirang bahagi ng pinagsadsaran ng US warship.
Sinabi ni Songco, nananatili pa rin sa Tubbataha ang ilang tauhan ng US Navy at ang kanilang biologist sakaling kailanganin pa ng kanilang tulong para sa gagawing ecological assessment.
Kasabay nito, nilinaw din ni Songco na nakapaloob na sa 1.4 milyong dolyares na katumbas ng P58-M ang kabuuang danyos na dapat bayaran ng Estados Unidos, kabilang na rito ang bayad para sa multa at gagastusin para sa rehabilitasyon ng Tubbataha.
- Latest