Refund sa overpriced na kuryente masisingil na

MANILA, Philippines - Inaasahan umanong magbabayad na ng “refund” ang National Power Corporation (Napocor) at Power Sector Assets and Liabilities Management Corporation (PSALM) kaugnay ng”overpriced” na singil sa isinusuplay nilang enerhiya o kuryente.

Sinabi kahapon ni Energy Regulatory Commission executive director Saturnino Juan na natapos na ang lahat ng pagdinig at palitan ng mga komento kung saan natukoy na ang halagang dapat ibalik sa Meralco na siya namang ibabalik sa kanilang mga kustomer.

Aabot umano sa P5.716 bilyon ang dapat ibalik ng Napocor at PSALM sa Meralco.  Sa kabuuan mula Nobyembre 2006 hangang Agosto 2012, kung isasama ang dapat isauli rin ng mga pribadong power generation companies ay aabot sa P9.8 bilyon ang dapat masingil ng Meralco sa “refunds”.

Ang naturang mga halaga ay dapat ibalik ng Napocor, PSALM at mga pribadong generation companies sa Meralco na dapat ring ibalik sa kanilang mga kustomer.

Napagkasunduan rin sa mga pagdinig na hindi isang bagsak ibabalik ang halagang ire-refund.  Nasa P73.9 milyon kada buwan ang unti-unting ibabalik sa loob ng 70 buwan o maaaring ikaltas ang halaga sa kinukuhang suplay ng enerhiya ng Meralco.

Idinagdag pa ni Juan na sa susunod na buwan  maaaring masingil na ito ng Meralco.

Sa rekord, Marso 2010 nang magbaba ng de­sis­yon ang ERC ukol sa “double charging” sa “transmission line costs” sa umpisa ng operasyon ng Wholesale Electricity Spot Market (WESM)” sa Luzon.

Show comments