4.5-M may glaucoma

MANILA, Philippines - Tinatayang nasa 4.5 milyong katao ang nagtataglay ng sakit na glaucoma at posible pang lumobo sa 11.2 milyon pagsapit ng taong 2020 kung hindi mapipigilan.

Sa pagdiriwang ng World Glaucoma Week nitong March 11-16, nagsagawa ang Manila Doctors Hospital (MDH) ng information drive sa pamamagitan ng serye ng education lectures at screening para sa publiko partikular na sa mga taong nagtataglay ng nabanggit na sakit.

Sa naturang lectures, inilatag ng Department of Ophthalmology ng MDH kung saan nakukuha ang sakit, sa papaanong pamamaraan ito maiiwasan, magagamot at ang mga senyales ng taong mayroong glaucoma.

Nasa 100 katao ang sumailalim sa libreng glaucoma screening upang mabatid kung sila nga ba ay apektado habang ang iba naman ay dumaan sa test upang malaman ang stage ng kanilang glaucoma.

Ayon sa pag-aaral, ang glaucoma ay isang sakit na nakakaapekto sa optic nerve ng mata na siya umanong pangunahing sanhi ng paglabo ng paningin hanggang sa tuluyang pagkabulag ng maraming Pilipino.

Samantala, ang Department of Ophthalmology ng MDH ay nakatakda ring magsagawa ng kanilang taunang in-house surgical mission para sa mga mahihirap sa darating na Mayo at Nobyembre sa ilalim ng programang Share the Gift of Vision na pinasimulan noong taong 2001.

 

Show comments