MANILA, Philippines - Plantsado na ng Department of Justice (DOJ) ang kasong isasampa laban sa 38 armadong grupo na pinaniniwalaang galamay ni Sultan Jamalul Kiram III na nasabat ng Philippine Navy at Philippine Coast Guard habang patungo umano sa isla ng Sabah.
Ayon kay Justice Secretary Leila de Lima, natapos ng isalang sa inquest proceedings ng piskalya ang 38 kataong iniuugnay sa Royal Security Forces ng mga Kiram.
Pinaliwanag ni de Lima na ang isasampa nila sa husgado ay mga kasong paglabag sa Comelec gun ban at Article 118 ng Revised Penal Code.
Pinaliwanag ng kalihim na inciting to war ang ihahain nila sa Tawi-Tawi Regional Trial Court laban sa 38.
Mananatili aniya sila sa pasilidad ng Philippine Navy sa Panglima Sugala, Tawi-Tawi habang walang panibagong kautusan na ipinalalabas ang hukuman.
Bukod sa 38, tiniyak din ni de Lima na may mga susunod pang batch o grupo ng mga suspek na ipaghaharap ng kaso kaugnay ng nagaganap na tensyon sa Sabah.