MANILA, Philippines - Dadanak ang gulo sa Mindanao kung patuloy ang ‘witch hunting’ ng pamahalaang Aquino.
Ito ang naging babala ni Moro National Liberation Front (MNLF) Chairman Nur Misuari kung itutuloy ng administrasyon ang ‘witch hunting†o panggigipit sa mga indibidwal na salungat sa kanilang paniniwala.
Lumitaw sa ginagawang imbestigasyon ng gobyerno na nagkaroon ng sabwatan sa pagitan ng Sultanate of Sulu at ng ilang maimpluwensya at makapangyarihang indibiduwal para itulak ang muling pag-angkin sa Sabah na nagreresulta na ngayon sa karahasan.
Para kay Misuari, isang porma ng witch hunting ang ginagawa ng administrasyon sa pagpuntirya sa mga taong wala namang alam sa pagsisimula ng gulo sa Sabah.
Pinaliwanag din ni Misuari na dapat ay hindi na idaÂmay pa ng gobyerno ang mga taong inosente sa kaguluhan dahil hindi malayong mag-boomerang ito sa Mindanao.
Hindi aniya malayo na masindihan ang galit ng mamamayan sa Mindanao na dismayado sa paraan ng pagtugon ng gobyerno sa tensyon sa Sabah at tuluyan iyong humantong sa karahasan.
Naghihinala pa si Misuari na kung patuloy ang gagawing witch hunting ng gobyerno, hindi malayo na may sabwatan ang gobyerno ng Pilipinas sa Malaysia para mang-udyok ng kaguluhan sa Mindanao at makalikha ng diversionary tactics para malayo ang atensyon ng mamamayan sa Sabah.
Dahil dito, iginiit ni Misuari na hindi dapat pairalin ng mga nakaupo sa pwesto ang init ng ulo at sa halip ay manatiling kalmado dahil sa paraan lamang na ito maÂlulutas ang problema sa Sabah.