MANILA, Philippines - Pinaiimbestigahan kay DSWD Secretary Dinky Soliman ng mga benepisyaryo ng 4Ps o ang Pantawid Pamilya Program ng pamahalaan mula sa district 2 sa Davao City ang umano’y banta na natatanggap ngayon ng mga local barangay officials doon na sila ay aalisin sa talaan ng mga benepisyaryo ng naturang programa kung hindi nila susuportahan sa nalalapit na halalan ang kandidatura ni incumbent Davao City Rep. Mylene Garcia Albano.
Iginiit din ng mga ito kay Sec. Soliman na magpalabas ng isang memorandum order sa lahat ng regional director ng ahensiya para protektahan ang mga benepisyaryo ng naturang programa at tuloy mailayo sila sa pamumulitika ng mga kandidato sa lugar.
Hiniling din ng mga 4P’s beneficiary kay DILG Secretary Mar Roxas na paalalahanan ang mga barangay officials na huwag makikialam sa anumang mga maling hakbang ng mga mapagsamantalang kandidato at haÂyaan na lamang ang mga botante sa anumang idinidikta ng kanilang mga konsensiya sa sinumang nais nilang iluklok sa puwesto.
Ang 4Ps ay isang ayuda ng pamahalaan sa mga mahihirap na mamamayan ng bansa upang matuluÂngan ang mga pamilya na mapag-aral ang mga anak sa mga eskuwelahan at upang magkaroon ng mapapagkakitaan para sa ikabubuhay ng kanilang mga pamilya.