MANILA, Philippines - Hinikayat ni Caloocan City Mayor Enrico “Recom†Echiverri ang mga mag-asawang hindi pa naikakasal na dumalo sa gaganaping Kasalang Bayan sa Marso 3 ng taong kasalukuyan sa Glorietta Park, Tala ng nasabing lungsod.
Ayon kay Echiverri, ang Kasalang Bayan ay isang paraan upang maÂging ganap ang pagiging mag-asawa ng mga nagsasama sa isang bubong ng hindi pa nakararanas na maikasal sa simbahan man o sa huwes.
Aniya, sa pamamagitan din nito ay magiging legal ang dadalhing pangalan ng mga anak ng mga mag-asawang ikakasal at lahat ng benepisyo na maaaring makuha ng mga supling ay maaari na nilang makuha kapag naikasal na ang kanilang mga magulang.
Wala ring iintindihing gastos ang mga mag-asawang ikakasal dahil sinasagot ng lokal na pamahalaan ang pagpaparehistro sa kanilang marriage certificate maging ang pagproseso sa birth certificate ng kanilang mga anak ay sinasagot na rin ng administrasyon ni Echiverri.
Kinakailangan lamang magtungo ng mga mag-asawang gustong magpakasal sa tanggapan ng Civil Registry Department (CRD) na matatagpuan sa main city hall at north city hall upang ipatala ang kanilang mga pangalan.