Tensiyon sa Sabah 200 Pinoy pinauuwi
MANILA, Philippines - Nakikipag-negosasÂyon na ang Department of Foreign Affairs (DFA) at Malaysian government para kumbinsihin ang 200 mga Pinoy na sangkot sa nagaganap na tensyon sa Lahad Datu, Sabah na tahimik na bumalik sa Pilipinas at iwasan ang anumang karahasan o pagdanak ng dugo.
Ayon sa DFA, tumawag na si Malaysian Foreign Minister Anifah Aman kay Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario kahapon upang tiyakin sa Kalihim na ang Malaysian government ay gumagawa na ng hakbang upang maresolba ang tensyon sa Sabah na sinasabing may presensya ng may 200 Pinoy na ilan sa kanila ay armado at nagmula sa Mindanao.
Kumilos na rin ang DFA upang tiyakin ang seguridad ng mga Pinoy kasabay ng panawagan sa mga ito na umuwi na sa Pilipinas at magsibalikan na sa kanilang naiwang bahay at pamilya sa Mindanao.
Hiniling din ng DFA sa Malaysian authorities na tiyakin at irespeto ang karapatan ng mga Pinoy na permanente nang naninirahan sa Sabah na maaaring kasama sa nasabing grupo.
Nabatid na naglagay pa ng karagdagang police patrols at hinigpitan ang seguridad sa baybayin ng Tawi-Tawi at kalapit na mga isla sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) na posibleng pinagmumulan ng mga Pinoy patungo sa Sabah o border ng Malaysia upang doon manirahan.
Napaulat kamakalawa na pinalibutan ng Malaysian security forces ang malaking grupo ng mga Pinoy na biglaang nagdagsaan sa Sabah dahil sa ulat na mga armado ang mga ito.
Hinihinala pa ng Malaysia na ang mga Pinoy na dumagsa sa Sabah ay mga rebeldeng Muslim mula sa rebel break-away group na nadismaya sa ‘peace deal’ sa pagitan ng Phl government at Muslim rebels sa Mindanao.
Base sa report, nagtungo umano ang mga Pinoy sa Sabah matapos na pangakuan ng lupa at doon manirahan.
- Latest