MANILA, Philippines - Umakyat na sa 30-katao ang naitalang nasawi at posible pang tumaas matapos sumiklab kamakalawa ng umaga ang bakbakan sa pagitan ng mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) at rogue elements ng Moro National Liberation Front (MNLF) sa bulubunduking bahagi ng Brgy. Tanum, Patikul, Sulu.
Sa phone interview, sinabi ni Sulu Provincial Director Sr. Supt. Antonio Freyra, na 13-15 sa mga bandidong Abu Sayyaf ang nasawi habang nasa 8 naman sa panig ng MNLF rogue elements. Pito sa nasawing MNLF na mula sa grupo ni Habier Malik ay sinasabing pinugutan ng ulo ng mga ASG .
Ayon kay Freyra, nagsimula ang bakbakan noong linggo ng alas-7:00 ng umaga matapos umanong tumanggi ang grupo nina Abu Sayyaf Commander Radulan Sahiron na iturnover sa MNLF ang bihag na Jordanian journalist ng Al Arabiya television network na si Baker Atyani.
Ayon naman kay Col. Arnulfo Marcelo Burgos Jr., Chief ng AFP Public Affairs Office, bunga ng insidente ay nasa 60 pamilya ang nagsilikas sa lugar sa takot na maipit sa bakbakan ng dalawang bandidong grupo na nagre-resbakan dulot ng clan war o rido.
Samantala, buhay pa umano ang bihag na Jordanian journalist na si Baker Atyani na pinag-aagawan ngayon ng ASG at MNLF na ipinagpaÂpalipatlipat ng taguan ng mga abductors nito sa kagubatan ng Sulu.
Sinabi ni Burgos, nakatanggap sila ng intelligence report na buhay pa si Atyani na hawak ngayon ng grupo ni SayÂyaf Commander Radulan Sahiron bago pa man naganap ang engkuwentro sa pagitan ng Abu Sayyaf at MNLF rogue elements kamakalawa.
Base sa intelligence report, limang araw bago palayain ang dalawang Pinoy crewmen ni Atyani ng Al Arabiyah TV na sina Rolando Letrero at Ramelito Vela ay nahiwalay na ito at guwardiyado ng mga armadong bandido.
Ayon naman sa isang military sources, nais agawin ng grupo ni Malik si Atyani at mga Pinoy crewmen nito dahil gusto umanong pabanguhin ang pangalan ni Nur MiÂsuari na muling tatangkain na sungkutin ang posisyon bilang ARMM Governor.
Sa ngayon ay mahigpit umano ang tunggalian sa ARMM gubernatorial post sa pagitan nina Misuari, Rep. Mujib Hataman at Pax Mangudadatu.
Sinasabing humihingi ng P20-M ransom ang mga kidnappers kapalit ng pagpapalaya kay AtÂyani. Ang grupo ni AtÂyani ay dinukot ng mga bandido sa Patikul, Sulu noong Hunyo 11, 2012 habang nagsasagawa ng documentary para sa Al Arabiyah TV.