Exemption sa gun ban ng mga sibilyan inalis, VACC umalma

MANILA, Philippines - Kinukuwestiyon ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) ang probisyon sa reso­lusyon ng Commission on Election (Comelec) na nagtatanggal ng karapatan sa mga sibilyan na humingi ng exemption sa total gun ban na pinaiiral na nga­yong araw.

Partikular na inalmahan ng kampo ng VACC ang Comelec resolution 9561 kung saan nakasaad na hindi na maaaring maghain ng application for gun ban exemptions ang mga sibilyan.

Inangalan din ng VACC ang pag-recall o pagtatanggal sa kanilang mga security personnel na nagmumula sa PNP Police Security and Protection Group (PSPG).

Tatlong beses uma­nong nagtungo sa tanggapan ng Comelec ang mga opisyal ng VACC upang hilingin kay Chairman Sixto Brillantes na bigyan sila ng gun ban exemptions upang makapagdala ng baril sa labas ng kanilang mga tahanan.

Gayunman, tatlong beses din anila silang tinanggihan ng poll chief at hindi man lang umano tinanggap ang kanilang mga application.

Iginiit ng VACC na sa ginawa ng Comelec ay mistula silang inilantad sa kanilang mga kalaban lalo pa at mga high profile ang mga kasong kanilang pinaglalaban.

Ayon naman kay Boy Evangelista, ama ng pinaslang na car dealer na si Venzon, nanga­ngamba na siya ngayon sa kanyang buhay dahil ang kanyang mga security escort ay tinanggal na ng Comelec.

Kung hindi aniya siya bibigyan ng gun ban exemptions ay easy target na lamang siya ngayon ng sindikato ng Dominguez brothers carnapping group.

Ngunit inamin ni Evangelista na namili na sila ng maraming reading materials kasama na ang Bible at mga pagkain bilang paghahanda sakaling hindi na magbago ng isip ang Comelec at hindi na sila bigyan ng gun ban exemtions.

Magtatago na lamang aniya sila sa isang solitary confinement na hindi niya rin batid o kaya aniya sa mismong tanggapan ng Comelec dahil duon sila ay nakatitiyak ng kaligtasan.

 

Show comments