MANILA, Philippines - Dalawang pulis at isang sundalo ang nasangkot sa indiscriminate firing kaugnay ng pagsalubong sa Bagong Taon.
Sinabi ni PNP Chief Director General Alan Purisima na sa kabuuang 18 kataong nasakote mula Disyembre 16, 2012 hanggang Enero 1, 2013 sa kasong indiscriminate firing, dalawa sa mga pulis ang sumuway sa kaniyang utos at isang sundalo.
Samantala ang 15 pa ay mula sa hanay ng mga sibilyang gun owners.
Ayon kay Purisima, ang dalawang pasaway na pulis ay nanganganib na masibak sa serbisyo. Sumasailalim na ang mga ito sa pre-charge evaluation na bahagi ng proseso sa summary dismissal.
Gayunman, tumanggi muna si Purisima na tukuyin ang dalawang pulis pero sinabing isa ay mula sa Region 1 at isa sa Region 6.
Ang sundalo ay miyembro naman ng Philippine Army na nakatalaga sa Pangasinan.
Nang matanong naman si AFP Deputy for Public Affairs Office Major Emmanuel Garcia, sinabi nito na walang report sa kanila na may sundalong nasangkot sa indiscriminate firing sa pagsalubong sa Bagong Taon pero ipinabeberipika na ng liderato ng AFP ang ulat.
Idinagdag pa nito na kung retirado na ang nagpaputok ay hindi ito saklaw ng disciplinary action na ipinapataw ng AFP at maari rin aniyang isuot ng mga sibilyan ang kanilang uniporme.
Una rito ay ipinagmamalaking inihayag ng AFP na hindi nagpaputok ng baril ni isa man sa 125,000 puwersa ng Armed Forces of the Philippines kaugnay ng nakalipas na pagsalubong sa Bagong Taon matapos inspeksyunin ang mga baril ng mga sundalo.
Sinabi rin ni AFP Public Affairs Office Chief Col. Arnulfo Marcelo Burgos Jr. na maging ang mga opisyal ng AFP ay wala ring nagpaputok ng baril na nagkasya na lamang sa pagtotorotot, pagpapatugtog ng musika at pagsasayaw sa nasabing okasyon.