MANILA, Philippines - Habang kasagsagan ng tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China dahil sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea (WPS), nagpahayag na ang Taiwan, isa sa mga bansang umaangkin sa nasabing teritoryo, na plano na nilang simulan ang eksplorasyon upang maghanap ng langis sa Kalayaan Islands Group o Spratly islands ngayong 2013.
Dahil dito, agad na umalma ang Department of Foreign Affairs (DFA) at sinabing ang Pilipinas lamang ang may sovereign right na “mag-explore at mag-exploit” ng anumang uri ng resources at yamang dagat nito na nasa loob ng exclusive economic zone (EEZ) sa West Philippine Sea o South China Sea.
Iginiit ni Foreign Affairs spokesman Raul Hernandez na ang Pilipinas lamang ang maaaring mag-explore sa bahagi ng Spratly islands na nasasakop sa 200-nautical miles continental shelf ng bansa.
Ang pahayag ng DFA ay kasunod sa pag-anunsyo ng Taiwan na sisimulan na ng kanilang Bureau of Mines at state-run supplier na CPC Corporation ang paghahanap ng langis o gas sa Ligao island na isa sa pinag-aagawang isla sa Spratlys.
Pinangangambahan na magdudulot ng panibagong tensyon ang planong kick off exploration ngayong 2013 ng Taiwan sa WPS bukod pa sa bangayan sa China.
Bukod sa China at Taiwan, kabilang din sa mga claimants sa Spratlys ang Vietnam, Brunei at Malaysia.