9 bayan sa Capiz nasa state of calamity
MANILA, Philippines - Siyam na bayan sa lalawigan ng Capiz na apektado pa rin ng tubig baha dulot ng bagyong Quinta ang isinailalim na rin sa state of calamity kahapon.
Ito’y matapos na magpasa na ng isang resolusyon ang mga kasapi ng Provincial Board na nagdedeklara sa ilang bayan sa lalawigan ng Capiz sa state of calamity.
Sa ulat ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) kabilang sa mga nasa state of calamity ang Panay, Pontevedra at Panit-an na pawang sa unang distrito ng lalawigan.
Sa ikalawang distrito ay mga bayan ng Cuartero, Dao, Dumalag, Sigma, Tapaz at Mambusao.
Nabatid na 12 bayan sa lalawigan ang lubog pa rin sa tubig-baha at ilang national highway ang hindi pa madaanan dahil sa malakas na agos ng tubig baha sanhi ng pag-apaw ng mga ilog.
Samantala patuloy rin ang pagtaas ng bilang ng mga apektadong pamilya kung saan umaabot na sa 14,577 o kabuuang 54,962 katao.
Nananatili pa rin sa mga evacuation centers ang 1,921 na pamilya o 9,610 katao na mula sa mga bayan na apektado ng mga pagbaha.
Patuloy naman ang isinasagawang relief operations ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan para matulungan ang mga biktima ng kalamidad.
Magugunita na nauna nang inilagay sa state of calamity ang ilang bayan ng Aklan at sumunod ang buong lalawigan ng Iloilo dahil sa iniwang pinsala ng bagyong Quinta.
- Latest