MANILA, Philippines - Nilagdaan na kahapon ni Pangulong Aquino ang Sin Tax Reform Bill sa isang simpleng seremonya sa Malacañang.
Pinasalamatan ng Pangulo ang liderato ng Kamara at Senado dahil sa pagpasa ng kontrobersyal na Sin Tax bill na isa anyang maagang pamasko sa sambayanang Filipino dahil inaasahang makakalikom ng P33 bilyon mula sa dagdag na buwis sa sigarilyo at alak na gagamitin naman ng pamahalaan para sa health services ng sambayan.
Nagpasalamat din ang Pangulo sa mga sumuporta sa panukala mula sa health sector gayundin sa mga non-governmental organizations at mga magsasaka ng tabako na naliwanagan sa kagandahan ng panukala.
Sinabi naman ni BIR chief Kim Henares, target din ng bagong batas na bukod sa makalikom ng mas mataas na buwis sa sigarilyo at alak ay mabawasan na rin ang mga smokers at umiinom ng alak para na rin sa kanilang kalusugan.
Inaasahan namang sunod na pipirmahan ng Pangulo para maging ganap na batas ang isa pang kontrobersiyal na Reproductive Health bill na pumasa na sa bicameral conference committee kamakalawa ng gabi.
Samantala, sa huling sandali bago isabatas ni Pangulong Aquino ang Sin Tax Bill ay nagmartsa at naglunsad ng kilos-protesta sa paanan ng tulay ng Mendiola. ang mahigit 3,000 manggagawa.
Kinundena ng Peoples Coalition Against Regressive Taxation (PCART) ang naisabatas na sin tax bill dahil umano sa karagdagang pasanin na iniatang nito sa taumbayan.
Ayon kay Gie Relova, tagapagsalita ng PCART, hindi makatarungan na magpataw ng kahit anupamang buwis sa dati nang nagdarahop na mang gagawa’t magsasakang Pilipino.
“Ang hindi matatangging intensyon ng Sin Tax Reform Law ay pagaanin ang pagpasok at paglawak ng market share ng dambuhalang korporasyong dayuhan kapalit ng pagdurusa ng mga magsasaka ng tabako at manggagawa ng sigarilyo. Intensyon din nitong suklian ang mga pandaigdigang pinansyal na institusyon sa ginawa nilang pagtaas ng credit ratings ng Pilipinas,” pahayag pa ng PCART.