Sindikato ng droga, hindi umubra sa Taguig

MANILA, Philippines - Sa kabila ng pananabotahe ng mga kalaban sa pulitika, tagumpay ang pamahalaang lungsod ng Taguig sa paglaban sa ipinagbabawal na gamot.

Ayon kay Atty. Darwin Icay, Nacionalista Party Taguig spokesman na puspusan ang ginawang paglaban ni Taguig Mayor Lani Cayetano sa mga sindikato ng droga sa lungsod na sinasabing isinasabotahe ng nakaraang administrasyon ang pamama­lakad.

Maging ang ipinaiiral na good governance at ang peace and order programs ay naiayos ng kasalukuyang administrasyon mula sa sinasabing maanomalya.

Mismong ang National Police Commission (Napolcom) ang nagbigay-parangal kay Mayor Lani ng “Special Award for Local Executive for Best Practices Programs sa ginanap na 16th Police Community Relations Month noong Hulyo 2011.

Dagdag pa ni Icay, lubos na nagtagumpay din ang Taguig PNP sa kampanya nito laban sa ipinagbabawal na gamot. Base ito sa mga naitalang ope­rasyon ng pulisya na   matagumpay na nagbuwag sa malalaking sindikato.

“Kahit na  mataas ang antas ng peace and order sa Taguig at nanumbalik na ng lubos ang tiwala ng tao at mga negosyante, marami pa ang dapatgawin,” dagdag pa nito.  

Marami pang mga programa ang pinapatupad ni Mayor Lani at ng Taguig PNP para maging “the best place to live in and do business in,” ang Lungsod.

Sa monthly accomplishment report on Anti-Illegal Drugs Campaign ng Southern Police District Anti-Illegal Drugs – Special Operations Task Group (SPD DAID- SOTG) secretariat mula Enero hanggang Nobyembre 2012,  lumitaw na tagumpay ang Taguig PNP laban sa sindikato ng bawal na droga.

Sa rekord din  ng SPD DAID- SOTG, naisampa ang 119-drug related cases kung saan 62 pusher at 45 user ang kanilang naaresto.

Isa sa malaking isda na naaresto ng Taguig PNP ng anti-illegal drugs operation ay si Elisa Tinga na miyem­bro ng notoryus na Tinga Drug Syndicate at 3rd most wanted drug dealer.

Banggit pa ni Icay, bagama’t nasa unang termino pa lamang ang kasalukuyang admi­nistration ay inulan na ito ng mga pagkilala at papuri sa larangan ng peace and order at good governance.

Show comments