Seguridad sa Simbang Gabi tiniyak ni Recom

MANILA, Philippines - Tiniyak ni Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri ang kaligtasan ng mga dadalo sa “Simbang Gabi” na sinimulan kahapon laban sa mga taong gustong manamantala sa mga deboto. Inatasan ni Echiverri si Sr. Supt. Rimas Calixto, hepe ng Caloocan City Police, na magdagdag ng mga unipormadong pulis na iikot sa mga kalsadang malapit sa simbahan maging ang mga awtoridad na magbabantay sa harapan ng pagdarausan ng mga misa. Magpapakalat din ng mga hindi unipormadong pulis na siyang magmamanman sa kilos ng mga masasamang loob na inaasahang kakalat sa lahat ng simbahan at matataong lugar sa buong lungsod. Maglalagay din ng mga checkpoints sa bawat sulok ng lungsod upang hindi makapasok at makalabas ang mga taong pinaghahanap ng batas na maaaring samantalahin ang pagiging abala ng mga residente sa paghahanda sa Kapaskuhan.

 

Show comments