Bicam tinira sa P35-B sin tax sa 2013
MANILA, Philippines - Muling nagmartsa ang 5,000 manggagawa, manininda at maralitang taga-lungsod para kondenahin ang umano’y sabwatan sa target na P35 bilyong sin tax para sa 2013.
Nagdaos ng kilos protesta kahapon ang mga raliyista sa harap ng Hotel Sofitel Grand sa CCP Complex para kondenahin ang naging pasya ng bicameral conference committee.
Ayon kay Gie Relova, Secretary-General ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino-National Capital Region-Rizal, katrayduran umano ang pagkakapasa ng sin tax bill. Taliwas anya ito sa 1987 Constitution na kung saan sinasaad nito na dapat ay paunlarin ang sistema sa pagbubuwis sa isang progresibong pamamaraan ngunit mas pinaboran ng mga mambabatas ang regresibong sistema na lalong magpapahirap sa mga miserable na ngang buhay ng taumbayan.
Sabi ni Relova, milyong manggagawa at magsasaka sa pagpayag ng gobyerno na maging sunud-sunuran sa mga utos ng mga pandaigdigang institusyong pampinansiyal gaya ng International Monetary Fund at isang dambuhalang dayuhang korporasyon.
Ang tinutukoy ni Relova ay ang kumpanyang naka-base sa London na British-American Tobacco (BAT) na muling pumasok sa Pilipinas makaraang umalis noong 2009. Ang pagbabalik ng BAT na gumagawa ng sigarilyong Lucky Strike ay magtatambak lamang umano ng sobra-sobrang tabako nito sa bansa.
Ang kumpanyang BAT ang malinaw umano na makikinabang sa isang batas sa sin tax na siyang paraan naman nito para basagin ang monopolyo sa mekado ng isang lokal na kumpanya na mangangahulugan naman ng paglaki ng market share nito.
Ayon naman kay Anthony Barnedo, Secretary-General ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralita ng Lungsod-National Capital Region-Rizal (KPML-NCRR), isa sa nagtatag ng Peoples Coalition Against Regressive Taxation (PCART), umaasa ang gobyerno na kikita sila sa pamamagitan ng sin tax pero sigurado, hinding-hindi umano ito magaganap dahil sa taas ng presyo ng mga produktong tabako’t alkohol, wala nang makakabili nito kaya tiyak na malulusaw ang industriya.
- Latest