Mga berdugo ng pawikan tugisin! - Loren
MANILA, Philippines - Bukod sa pagbabantay sa mga karagatan ng bansa laban sa pagpasok ng mga dayuhang mangingisda, muli ring inalerto ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso ang gobyerno para sa mas pinaigting na kampanya laban sa mga berdugo ng pawikan.
Ito’y matapos na makumpirma ng tanggapan ni Senate Committee on Climate Change Chairman Loren Legarda na hanggang sa ngayon ay patuloy pa rin ang tila walang habas na pagkatay sa mga pawikan at pangangalap sa mga itlog sa mga liblib na bahagi ng bansa.
Ang naturang impormasyon ay isiniwalat ni Legarda sa kanyang pagdalo sa katatapos pa lamang na Pawikan Festival na ginanap sa Pawikan Conservation Center sa Morong, Bataan kasabay ng pagsasabing papaunti na nang papaunti ang bilang ng mga naturang nilikha sa bansa.
Ilan lamang sa mga lugar na tinukoy ni Legarda na sinasabing talamak pa rin ang pagbibenta ng karne at itlog ng pawikan ay sa palengke ng Pasil sa Cebu at sa mga isla ng Tawi-tawi, mga lugar na kung saan ay hindi umano regular na nasisiyasat ng mga awtoridad.
Binabanggit pa ni Legarda, na tinanghal din ng United Nations bilang Asia-Pacific Regional Champion for Disaster Risk Reduction and Climate Change Adaptation na dapat ay gayahin ng ibang mga lokal na pamahalaan sa bansa ang naging inisyatiba ng lalawigan ng Bataan para sa pangangalaga ng pawikan at iba pang likas na yaman sa karagatan.
Kasabay nito ay ipinakiusap din ng mambabatas sa mga lokal na opisyal ng Bataan na palaganapin sa ibang bahagi ng bansa ang kanilang naging estilo ng pangangalaga sa pawikan, isa sa mga nilikha sa karagatan na ngayon ay nasa matinding panganib na ng pagkaubos.
Handa rin umano ang tanggapan ni Legarda na tumanggap ng mga report tungkol sa pag-abuso at pagpatay sa mga pawikan upang sila na ang magpaabot ng impormasyon sa mga awtoridad kung natatakot ang mga impormante na magsumbong dahil sa panganib sa kanilang buhay.
- Latest