9 Pinoy sinisi sa oil rig blast, idinepensa
MANILA, Philippines - Idinepensa ng Embahada ng Pilipinas ang 9 na Pinoy na biktima ng pagsabog ng oil rig na ikinasawi ng tatlo sa kanila sa Port ng Mexico sa Louisiana, USA dahil sa mga maling akusasyon at balita na sila ang dahilan ng naganap na pagsabog.
Ayon kay Phl Ambassador to US Jose Cuisia Jr., dismayado siya sa mga lumalabas na hindi makatarungang report matapos na isisi sa 9 na Pinoy ang pagsabog ng oil rig dahil sa kanilang kakulangan at kahinaan umano sa pananalita at pag-intindi ng English.
Sinabi ni Cuisia na dumaan sa pagsasanay ang 9 na Pinoy bago sila tinanggap upang magtrabaho sa oil platform.
Aniya, sumailalim ang mga Pinoy workers sa mahabang training sa oil at gas industry at pumasa sa safety at language requirements kabilang ang English proficiency sa Pilipinas at maging sa Amerika bago sila isinabak sa pagtatrabaho sa nasabing oil rig.
Ipinaliwanag ni Cuisia na bukod sa nasabing karanasan, nagtrabaho na rin ang mga Pinoy workers sa mga kumpanya ng Shell, Chevron at British petroleum.
Una ng lumabas sa imbestigasyon na nagkamali ang mga manggagawa nang gamitin nila ang isang torch cutter imbes na cutting device sa pagputol ng linya ng langis sa nasabing oil rig na naging sanhi ng pagsiklab ng apoy at pagsabog noong Nobyembre 16.
Tatlo sa 9 na Pinoy na sina Elroy Corporal, Avelino Tajonera at Jerome Malagapo ang minalas na masawi habang nananatiling nasa ospital ang tatlo pa.
- Latest