MANILA, Philippines - Inaasahang malaki ang maitutulong ngayon sa mga handaan ngayong Disyembre ang pagbababa sa presyo ng cooking gas ng mga retailers na miyembro ng Liquefied Petroleum Gas Marketers Association (LPGMA) at ilan pang kumpanya ng LPG.
Dakong alas-12:01 ng Sabado ng madaling araw nag-umpisang ipinatupad ng LPGMA at ng Liquigaz Corporation ang rollback ng P1.50 kada kilo ng cooking gas o katumbas na P16.50 kada 11-kilong tangke.
Sinabi ni LPGMA Partylist Rep. Arnel Ty, mabibili na lamang ngayon ang cooking gas ng P640-P670 kada 11-kilong tangke. Ang paggalaw umano ng presyo ay dulot ng ibinaba rin ng LPG sa internasyunal na merkado.
Una nang nagbaba ng presyo ng LPG ang Pilipinas Shell at Petron Corporation ng P1.65 kada kilo o P18.15 kada 11-tangke ng kanilang produktong cooking gas.
Sinabi ni Ty, malaki ang maitutulong nito sa pagtitipid ngayong Disyembre lalo na’t kabi-kabila ang mga handaan sa iba’t ibang mga party bago pa man sumapit ang Pasko.