Pumaslang sa 2 nene, tukoy na

MANILA, Philippines - Kilala na ng mga pulis ang suspek na pumatay  sa magpinsang dalagita sa Caloocan City kamakalawa ng umaga.

Nakilala ang suspek na si Gilbert Fulloso, 27, kapit­bahay ng mga biktimang sina  Diana Rose Liza, 15; at Joanna Marie Coronado, 10, ng Padas Alley ng nabanggit na  lungsod.

Matatandaan na noong Linggo, dakong  alas-6:30 ng umaga nang madiskubre ang bangkay ng mga biktima sa loob ng bahay ng mga Liza sa nasabing lugar.

Nabatid na dadalhan sana ng makakain ang mga biktima ng kapatid ni Coronado, subalit laking gulat nito  nang makita ang mga biktima na wala nang buhay.

Sa imbestigasyon ay nakakita ng mga patak ng dugo ang mga pulis papunta sa loob ng bahay ng suspek na tumakas na.

Ayon sa ilang saksi, hu­ling nakita na nanggaling sa bahay ng mga biktima si Fulloso.

Sinasabing nanliligaw at binasted ng biktimang si Liza ang suspek. Pinaniniwalaan ding bangag sa droga ang pinaghahanap na suspect nang isagawa ang krimen.

Show comments