House kumilos vs sindikato sa scam

MANILA, Philippines - Kumilos na si Aurora Rep. Edgardo “Sonny” Angara para hilingin sa kanyang mga kasamahan sa Kongreso na imbestigahan ang paulit-ulit na panggagantso ng mga pyramiding scam na ang huli’y nakapambikitma ng P12 bilyon halaga ng salapi na pag-aari ng may 15,000 katao sa Visayas at Mindanao.

Sa House Resolution 2897 ni Angara, hiniling nito sa committee on Banks and Financial Intermediaries na alamin kung sapat ang mga umiiral na batas para maprotektahan ang publiko mula sa mga iligal na iskema ng pagkakakitaan at negosyo.

“Paulit-ulit na lang ang panggangantso ng mga kompanya na mukhang lehitimo dahil kompleto sa papeles at rehistrado sa SEC. Aralin nating mabuti ang kanilang modus ope­randi at ilantad ito sa publiko. Importante na may panlaban tayo sa mga panloloko para hindi na mangyari pa uli,” sabi ni Angara.

Sinabi ni Angara, na dati na siyang nagpasa ng House Bill No. 490 o ang Financial Literacy Act of 2012 na naglalayong armasan ng kaalaman ang mga Pinoy para sa mas masinop na paghawak ng kanilang pera at kabuhayan.

Ayon sa National Bureau of Investigation, naengganyo ng Aman Futures ang kanilang investors dahil sa alok na 30-80 percent ng return on investment sa loob lamang ng walo hanggang 20 araw.

 

Show comments