US, Europa pinakakalampag kay PNoy vs climate change
MANILA, Philippines - Pinakikilos ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso si Pangulong Aquino para pangunahan ang pagkalampag sa mga mayayaman at industriyalisadong bansa sa paglulunsad ng Green Climate Fund upang maagapan ang higit pang masamang epekto ng nararamdaman nang climate change sa malaking bahagi ng mundo.
Ginawa ni Congressional Oversight Committee on Climate Change Chairman Loren Legarda ang panawagan sa Pangulo kasunod na rin ng pagsiwalat ng World Bank na tataas pa ng hanggang 4 degrees Celsius ang temperatura sa mundo dahil sa papasama pang epekto ng pagbabago ng ugali ng klima at panahon.
Ang Green Climate Fund ay nabuo base sa kasunduan ng mga mayayamang rehiyong katulad ng Estados Unidos at Europa, kung saan ang pangunahing layunin ay alalayan ang mga mahihirap na bansa kagaya ng Pilipinas para labanan ang epekto ng climate change.
Sa report ng World Bank na nakarating sa tanggapan ni Legarda na kinilala ng United Nations (UN) bilang Regional Champion for Risk Reduction and Climate Change, Adaptation for Asia-Pacific, kung hindi pa kikilos ang mga lugar na nakakaramdam ng epekto ng climate change ay siguradong sa malapit nang panahon ay mararamdaman ng mga mamamayan ng mga ito ang init ng klima na mas matindi pa kumpara sa nararamdaman ngayon.
Partikular umanong tatamaan nito ay ang suplay ng tubig na ngayon ay unti-unti nang nararamdaman ang kasalatan sa iba’t ibang bahagi ng bansa sa kabila ng katotohanang hindi pa naman ganap na pumapasok ang El Niño phenomenon.
Sa pagtaya pa ni Legarda ay tinatayang nasa 30 porsiyento ng iba’t ibang uri ng nilikha sa mga bansang apektado ng climate change ang malalagay sa panganib o tuluyan nang pagkaubos kung hindi pa mailulunsad ang Green Climate Fund.
- Latest