MANILA, Philippines - Inihayag na ni Justice Secretary Leila de Lima ang bagong officer-in-charge (OIC) ng Bureau of Corrections (BuCor) na mangangasiwa sa nasabing ahensiya kasunod ng nangyaring pagsabog ng granada noong Biyernes ng umaga sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City na ikinasugat ng anim katao.
Itinalaga ni de Lima si NBI Deputy Director Rafael Z. Ragos na siyang papalit kay Parole and Probation Administrator Manuel Co na nagsilbing OIC ng BuCor simula Agosto 22, 2012.
Ayon kay de Lima, pinahahalagahan niya ang responsibilidad ni Co subalit hindi naman dapat makatarungan na dagdagan pa ang hirap nito sa paghawak ng dalawang posisyon.
Nabatid na target ng inmate na nagbato ng granada ang mga drug lord na noo’y nagja-jogging.
Si Co ay itinalaga bilang OIC ng BuCor habang naka-indefinite leave si dating BuCor chief Gaudencio Pangilinan upang bigyan daan ang imbestigasyon sa pagdukot kay murder convict at NBP inmate Rolito Go at sa pamangkin nitong si Clemence Yu.
Bukod sa pagtatalaga ng bagong BuCor OIC, nagkaroon din ng balasahan sa nasabing kulungan.