PCART nagpiket sa Senado
MANILA, Philippines - Mula sa Quezon City ay nagmartsa ang nasa 7,000 kasapi ng Peoples Coalition Against Regressive Taxation (PCART) at nag-piket sa Senado na humihiling ng tuluyang pagbasura sa panukalang sin tax na anila’y kontra sa manggagawa at maralita.
Sinabi ng PCART, bagamat ipinasya ni Pangulong Aquino na kinakailangan nang maisabatas ang panukalang sin tax at may suporta ng International Monetary Fund (IMF), nanatiling matatag ang mga militante sa kanilang posisyon na ang sin tax ay hindi dapat maisabatas dahil sa idudulot nitong pang-ekonomiyang kahirapan sa milyun-milyong mga magsasaka’t manggagawang Pilipino at kanilang mga pamilya.
Binatikos ng PCART ang IMF sa umano’y pakikialam nito at mga iresponsableng pahayag sa pagsuporta nito sa panukalang sin tax at sa pagmumungkahi ng buwis sa text messaging. “Ang mga dayuhang ito na nakikialam sa panloob na usapin ng bansa ay di dapat pahintulutang mamigay ng pahayag pagkat di naman nila isyu ito. Ang malala pa nito, ang mga isyung pinakikialaman nila ay may pangmatagalang pinsala sa atin,” pahayag ni Gie Relova ng PCART.
- Latest