‘Juice drink,’ sagot sa problema sa anemia sa public school children
MANILA, Philippines - May 100,000 public school children sa ilang piling lugar, na dumaranas ng Iron Deficiency Anemia (IDA), ang inaasahang makikinabang sa Nutrijuice project na magbibigay sa kanila ng libreng orange-flavored drink na fortified ng mga essential nutrients.
Ayon kay Education Secretary Armin Luistro, nakakaapekto ang nutritional deficiency sa kakayahan ng mga bata na matuto ng leksiyon at aktibong lumahok sa mga school activities.
Nagpapasalamat si Luistro sa kanilang mga partners na tumutulong sa DepEd upang mapunuan ang gap para matuto ang mga bata.
Nabatid na ang Nutrijuice, na dinibelop ng Coca-Cola Export Corporation (TCCEC) katuwang ang Food and Nutrition Research Institute ng Department of Science and Technology (FNRI-DOST), ay nagtataglay ng iron, zinc, lysine at Vitamins A at C upang matugunan ang IDA sa mga piling public elementary school children.
Ani Luistro, batay sa isinagawang pag-aaral noong 2006 ng NRI-DOST sa Pinaglabanan Elementary School sa San Juan sa may 277 estudyante, lumitaw na nagkaroon ng malaking pagbabago ang mga ito sa kanilang nutritional at iron status ng mabigyan ng Nutrijuice.
Bumigat din ang kanilang timbang at tumangkad ang mga ito nang mabigyan ng naturang masustansiyang inumin. Bumaba rin umano maging prevalence ng anemia mula 100% sa 13%.
- Latest