MANILA, Philippines - Nanawagan ang mga nakatatanda at lider ng mga tribung pangkomunidad ng Blaan sa Tampakan, South Cotabato at Kiblawan, Davao del Sur na huwag silang bansagang kontra-pagmimina sa kanilang lugar.
“Ang kapayapaan at kaayusan ay matagal na naming problema bago pa man dumating ang kompanya sa pagmimina pero walang tumutulong sa amin noon,” ayon kay Tong Capion, tribal elder sa Bong-Mal, Kiblawan, Davao del Sur.
“May mga alalahanin kami sa mga kontratista at sa kompanya sa pagmimina pero hindi namin tinututulan ang Tampakan project,” pahayag naman ni Dot Capion, pinuno ng tribung Blaan sa Bong-Mal.
Ang Tampakan mining project ay malaking lugar na nasa hangganan ng South Cotabato at Davao del Sur sa katimugan ng Mindanao na tirahan ng aabot sa 13,000 katutubong Blaan.
Iginiit ni Tampakan municipal tribal chieftain Dalena Samling na dapat nang itigil ng ilang grupo ang pagbibigay ng pahayag para sa mga Blaan.