Riding-in-tandem, carjacking dadami
MANILA, Philippines - Nangangamba ang mga empleyado ng Land Transportation Office (LTO) na dumami pa ang insidente ng riding-in-tandem at carjacking sa bansa lalo na sa Metro Manila bunsod ng kawalan ng maibigay na plaka ng mga sasakyan ng ahensiya sa mga bagong sasakyan.
Ito’y ayon sa mga empleyado ay bunsod na rin ng naipalabas na direktiba ni LTO Chief Virgie Torres na extended pa rin ang implementasyon ng kanyang memorandum na nagsasaad na maaaring magamit ang mga sasakyan kahit walang plaka dahil sa kakulangan sa car plates ng LTO.
Binigyang diin ng mga opisyal ng LTO na maging sila man ay nangangamba sa nangyayaring ito sa ahensiya na hanggang sa ngayon ay hindi masolusyunan ng kasalukuyang administrasyon ng LTO.
Kaugnay nito, nangangamba rin ang naturang mga opisyal na malamang na magbalik sa papel na operasyon ang LTO sa susunod na taon dahil sa pahayag ng Stradcom corporation, ang IT provider ng LTO na mapapaso na ang kontrata sa February 2013, na hindi nila ibibigay ang kanilang data base sa LTO.
Mahigit P4 milyon ang utang ng LTO sa Stradcom dahil sa ‘di pagbabayad ng una sa huli sa buwanang serbisyo dito. Nagsimulang hindi magbayad ang LTO ng serbisyo sa Stradcom mula nang magkaroon ng illegal take over sa Stradcom ng mga nagpapakilalang bagong may-ari ng kumpanya na sinasabing kaibigan daw ni Torres.
- Latest